Close

August 23, 2016

HUMANS OF ATENEO GABAY: Featured Alumni Neil Mañibo

Saan ka nadala ng Gabay?

“Makailang ulit kong binura ang mga isinulat ko para sa lathalaing ito. Ang dami kong gustong ikwento. Ang dami kong nais ibahaging mga partikular na karanasan ukol sa kung paano ba ako dinala ng Gabay sa kung nasaan ako ngayon. ‘Yung nakita ko sa Erya na nakatulong sa desisyon kong maging guro, ‘yung mga gabi ng pangangaroling na patunay na wala nang mas sasarap pa kundi makatulong sa iba habang nagsasaya; mula mga laboy namin ng mga batchmates ko sa Gabay sa kung saan-saan sa ‘Pinas hanggang sa araw-araw na pangugumusta sa mga taong napapatambay sa GKR.

Kasalukuyan akong kumukuha ng Doktorado sa Matematika sa Universität Bielefeld sa Alemanya, at harinawa pagkabalik matapos ng tatlong taon ay muling magtuturo sa Ateneo. Pero yung pagitan ng ngayon at nitong harinawang ito, doon pumapasok ‘yung mga natutunan ko sa Gabay; pakikisalamuha sa tao (lalo na sa mga taong iba manalita), pag-alala sa kung bakit natin ginagawa ang mga bagay, ‘yung pamumuhay nang payak (sa kabila ng tukso ng walang humpay na paggasta) at pagbibigay nang buong buo sa ating mga pangarap nang may layong tumugon, ngayon man o sa hinaharap, sa pangarap ng iba. (Lakas makabig-words!)

‘Pag binabalikan ko ung mga retrato sa mga ginawa namin sa Gabay nung kolehiyo, napapangiti nalang ako. Apat na taon nang pagtatayang mas makulay pa sa apat na panahon ng init-ulan-lamig-niyebe-lungkot-ligalig-tuwa na meron dito.

Susubukin ko nang sagutin ang taong: saan ba ako dinala ng Gabay? Sagot: Siguro sa bersyon ng sarili kong alam kong hindi ko pagsisisihan saan man ako mapadpad.”

– Sir Chrizaldy Neil Mañibo; BS PS ’12, MS MA ‘15; Terentedos

Join the fam!
See you at COA RecWeek 2016: LakBayan: August 22 – 26 at the MVP Roof Deck!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.