Close

February 12, 2017

Una’t Muli

by Krystel Iris De Castro

Simula na muli ng linggo-linggong turuan at kulitan sa Holy Spirit Elementary School (HSES), isa sa mga paaaralang katuwang ng Gabay para sa ERYA. Noong Sabado, ika-4 ng Pebrero, sumalubong sa tutors ang mga ngiting lalo pang nagpatingkad sa mga kulay ng HSES. Isa itong pagbati na pumawi sa kaba ng mga baguhan at nagpatindi sa sabik nilang makasamang matuto ang mga bata. Sundan at maantig sa karanasan ng mga Gabayanong unang beses maging bahagi ng PM Tutoring Team.

Yoj Ynnel Gaviola, 2 BS MA

Ilarawan mo naman ang first Erya insertion mo sa HSES.

Sobrang natuwa ako sa aking karanasan sa HSES. Ang kukulit at ang bibibo ng mga bata na wari’y wala silang problema sa buhay. Naalala ko ang aking sarili noong ako ay musmos pa lamang. Labis akong natuwa sa aking nakita. Ang gaganda ng mga silid-aralan ng HSES. Maraming halaman at ang mga dingding ay pinintahan ng samo ‘t saring mga imaheng edukasyonal at kaaya-aya sa mata ng mga bata. Sinubok ng karanasang ito ang aking abilidad sa pagtuturo at sinukat nito ang haba ng aking pasensya. Pero nakaya ko ito. Nagpapasalamat ako na nag-ERYA ako.

May mga pagsubok ka bang kinaharap?

Ang pinakamatindi kong kalaban noon ay ang pagod. Batid kong kagagaling ko lang sa Erya insertion sa IVES (dahil NSTP Gabay ako) at nakapagpahinga lamang ako ng halos isang oras. Isa pa ay binigyan ako ng dalawang batang kabaliktaran ng isa’t isa. Ang isa ay bibo at maingay habang ang isa ay tahimik at matamlay.

Paano mo nalampasan ang mga ito?

Unang una, sinabi ko sa sarili ko na gagawin ko ito para sa mga bata. Mahal ko ang mga bata kaya batid ko na ang aking pagod ay masusuklian ng napakalaking pasasalamat at kasiyahan. Sa pagtuturo naman, ginamit ko ang biro upang makuha ang atensyon ng mga bata, lalo na ng batang tahimik. Kalaunan, sila ay nakapagparticipate na nang maayos at madali ko nang naituro ang aralin para sa araw na iyon.

Saan nagmula ang kasiyahan mo sa iyong unang karanasan sa HSES?

Mga bata mismo ang nagbigay sa akin ng kasiyahan. Masarap sa pakiramdam na ina-appreciate nila ang iyong ginagawa at masarap marinig ang mga salitang “Thank you, Kuya!” at “Balik ka sa sabado ah!” Binigyan nila ako ng sulat na naglalaman ng kanilang pasasalamat. Ang sweet nila. Sapat na’ng kabayaran ito sa effort at oras na aking inilaan.

Tuloy-tuloy na ba ang doble ERYA insertions mo tuwing Sabado?

Oo naman, why not? Para sa Erya Kids at sa Gabay!

Miguel Ignacio, 2 BFA AM

NSTP-Gabay ka ngunit nag-ERYA ka pa rin sa HSES. Bakit?

May time ako dahil holiday sa Monday tapos extra Angkan points pa [tumawa]. Gusto ko rin kasi mag-try sa HSES kahit may ERYA na ako kaninang umaga.

Kumusta ang unang pagkilala mo sa mga bata?

Hindi naman talaga ako nagturo dahil kumukuha lang ako ng pictures pero napansin ko na mas magulo at mas hyped sila habang nagtuturuan. Mas kaunti ang tutors kaya mas marami ang hawak ng bawat isa pero masaya naman.

May nakaapekto ba sa mga aktibidad sa ERYA?

Sa documentation lang naman ako kanina pero parang kailangan pa ng paghihigpit sa pagkontrol ng ingay. Siguro masyado lang masigla ang mga bata.

Ano ang nadama mo nang makitang nagbibigay ng sulat ng pasasalamat ang mga bata sa mga tutor?

Kahit wala akong natanggap, na-touch din ako sa sweet and genuine gesture ng kids dahil na-appreciate talaga nila iyong tutors.

Happy Tutor (Imman Deo Guinto,  2 BS MGT)

May bago ka bang karanasan sa first encounter mo sa HSES kids?

Nakakakaba noong una dahil bago lang ako sa HSES. Noong nakita ko na sila, lalo akong kinabahan. Nakaka-pressure na baka magkamali ako ng pagtuturo pero mukha namang natututo sila. Pagkatapos ng turuan, binigyan kami ng letters ng mga bata. Unang beses na may nagpasalamat sa akin sa isang sulat.

May mga pagkakataon bang nahirapan ka?

Medyo nalungkot lang ako noong una dahil dalawa lang ang tutees ko, pero aktibo naman sila. Nagpalit pa kami ng kid pagkatapos ng English kaya bumaba ang self-esteem ko. Medyo matamlay ang mga bago kong tutee at mabilis silang madi-distract, lalo na noong makita nilang tapos na ang iba at naglalaro na lang. Naiintindihan naman nila ang itinuturo ko, pero nalilimutan nila agad. Mababa rin ang nakuha nila sa seatwork, pero minsan kasi iba ang nasa module at hindi malinaw ang instructions. Nakaapekto rin ang time pressure.

Ano ang balak mo upang malampasan ang mga ito?

Syempre pupunta ulit ako sa susunod na Sabado. Hindi naman goal na matapos ang module, kundi ang matutunan ng mga bata ang lesson.

Ibahagi mo naman ang naramdaman mo noong tumanggap ka ng thank you letter.

May ibang bahagi na hindi ko naituro sa mga bata kaya pakiramdam ko ay nabigo ako, pero noong natanggap ko ang sulat, sobrang na-touch ako at napawi lahat ng pagod ko. Sobrang sarap sa feeling na may thank you letter, ngayon lang ako nakatanggap ng pasasalamat sa ganoong paraan, kahit na “Kuya Ivan” ang nakasulat.

Una pa lamang ito sa marami pang mga pagkakataong maging tutor sa HSES, subalit hindi maikakaila ang sayang nadama ng mga Gabayano at mga bata. Para sa mga tutor, sulit ang pagod sa tatlong oras ng pagtuturo at pakikipaglaro, lalo na nang matanggap nila ang liham ng pasasalamat mula sa tutees. Sa pagkakaroon ng bagong karanasang masarap balikan, tiyak na muli’t muli nating pauunlakan ang tuwinang hiling ng ERYA kids, “Balik po kayo next week ah!”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.