Close

February 19, 2017

#SHOOKT: Ang Muling Pagbabalik sa Erya

Ni Czarina Duka

“Ate, paano ito?” “Ate tama po ba ang sagot ko?” “Ate! Tulungan mo ‘ko dito!” Ilan lamang yan sa mga narinig ko mula sa mga tutees ko noong ikalawang Erya insertion ngayong semestre. Tila ba na-#SHOOKT talaga ako dahil halos sabay-sabay na nagpapatulong ang tatlo kong tutees sa kanilang mga pagsasanay at seatworks. Lahat sila’y sabay na tinatawag ako’t kinakalabit o hinihila ang aking kamay at braso. Sa pagkakataong ito, para bang naramdaman ko rin ang iba’t ibang emosyon – lalo na ng pagod at tuwa. Dito ko naramdaman na hindi maipagkakailang nakapapagod talagang magturo ng tatlong bata nang sabay-sabay; ngunit kalakip ng pagod na ito ay isang kakaibang uri ng tuwa – tuwa na makukuha mo lamang sa pag-aalay ng iyong sarili para sa iyong kapwa’t sa Diyos. Nakamamangha na dito ko ito naramdaman sa isang simpleng Erya insertion sa Holy Spirit Elementary School.

Siguro na shookt din ako dahil ito pa lamang ang aking ikalawang Erya insertion mula ng magsimula ang unang semestre. Ngayon naman, sinubukan kong mag-Erya muli hindi dahil sa Angkan points, kung hindi ay namimiss ko na talagang makipagsalamuha sa mga bata. Pero ang hindi ko alam, hindi na pala ako sanay na makakita ng mga batang pilyo’t makulit, at magturo sa mga bata, lalo na’t Math ang isa sa mga tinuturo natin sa kanila. Sa unang Erya insertion pa lang ngayong semestre, nagmistulan akong nawawalang teenager sa dagat ng mga makukulit na batang nag-eenjoy kasama ang kanilang mga nakasanayang makita na tutors o mga ate’t kuya. Wala akong ka-close na bata dahil nga ngayon lang ulit ako nag-Erya, kaya naman hindi talaga maiiwasan ang pagkakataong ito. Syempre, nakaramdam ako ng kaunting selos, kasi walang batang tumatakbo papunta sa akin upang batiin at yakapin ako dahil excited silang makita ako. Gayunpaman, pinagbutihan ko pa rin ang pagtuturo at pakikipagkaibigan sa mga bata para sa pagbalik ko, may kakilala o kaibigan na ako.

At iyon na nga, nagsign-up ulit ako para pumunta sa ikalawang Erya insertion, dahil excited akong kamustahin at makausap ang mga kids sa HSES. Pagdating namin doon, wala pa rin namang sumalubong na bata sa akin, ngunit mas naramdaman kong hindi ako nawawala, dahil may nakikita na akong pamilyar na mga mukha. Nang magsimula na ang tutoring, mas naging komportable na rin ako dahil para bang ka-vibes ko ang mga tutees ko na sila Jeshlyn at Samuel. Hindi naging mahirap na turuan sila ng adjectives and adverbs dahil dito. Kaso, pagkatapos ng break time, dumating na ang pinakinakatakot ko.

Panahon na upang magturo ng Math. Bago mag-umpisa, sinabi sa akin ng isang Erya head na may isa pa daw akong tuturuan na bata, si Kathleen. Ngayon, tatlo na ang tuturuan ko ng Math. Oo, tumindi ang kaba ko dahil hindi ako magaling sa Math, tapos tatlong bata pa ang tuturuan ko. Bahala na si Lord. “Aba, PEMDAS pala ang module ngayon. Keri ko na ‘to.” Dinadahan-dahan ko ang pagtuturo, ngunit parang alam na alam na ng mga bata ang mga sinasabi ko. Gusto na daw nilang mag-seatwork. Pero syempre, tinapos ko pa rin ang module upang maintindihan nila kung paano mag-solve gamit ang PEMDAS. Pagdating ng seatwork, akala ko pwede akong magpahinga nang konti dahil kanya-kanya namang silang magsasagot. Hindi pala. Isa-isa na silang nagtanong kung tama ba ang pag-solve nila at ang sagot. Pero may hindi sila masagot na items kaya dumalas ang pagtatanong nila. Hanggang sa makarating na nga sa pagkakataong sabay-sabay silang tatlo na kinakalabit o hinihila ang aking kamay upang isa sa kanila ang una kong tulungan. At katulad nga ng nabanggit ko kanina, doon ako pinaka na-#SHOOKT.

Sa pagkakataong iyon, kahit pasulyap lang, naramdaman ko ang pagod na nadarama ng isang guro na kailangang turuan ang humgit kumulang limampung mag-aaral kada umaga’t hapon, upang sa pag-uwi nila’y may mabaon silang aral mula sa klase ni Ma’am. Nadama ko rin ang hirap ng pag-adjust ng istilo ng pakikisalamuha sa mga bata, upang maintindihan niyang mabuti ang sinasabi ni Ma’am. Syempre, naroon din ang stress ng pag-manage ng ingay at kakulitan ng mga bata na para bang hindi nauubos. Subalit hindi lang naman pagod ang nadarama ni titser. Higit pa rito, tuwa. Tuwa na bukal sa puso, dahil nakikita ni titser na interesado at natututo ang mga bata. Tuwa dahil alam niyang hindi nasasayang ang kanyang mga inaalay, sapagkat sa bawat aral na natututunan ng kanyang mga estudyante, nakatutulong ito upang mabuo ang buhay na kanilang hinaharap. Mahirap man paniwalaan, alam kong ganito ang nadama ko noong sabay-sabay na nagpapatulong sina Jeshlyn, Samuel, at Kathleen. Dito ko napagtanto kung bakit nga ba patuloy itong ginagawa ng Gabay. Sa huli, hindi mahalaga kung naging masaya ako sa pagpunta ko sa Erya. Hindi naman talaga iyon ang layunin ng Erya Formation Program. Ang importante, makita kong natututo ang mga tutees namin ng mga aral na hindi lamang nakakahon sa mga subjects na tinuturo namin, kung hindi ay mga aral na madadala nila saan man sila mapunta. Ito rin sana ang nais ng bawat Gabayano’t Atenistang naglalaan ng kanilang sarili para sa iba, lalo na sa mga batang katulad ng HSES kids.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.